Ang daanan ay isang uri ng landas o ruta na pangtransportasyon, pampaglalakbay, o pangtrapiko ng sasakyan o kaya ng mga tao o maaaring mga hayop lamang na nag-uugnay ng isang lokasyon papunta sa isa pa. Maaring tumukoy ito sa isang lansangan, kalsada, karsada, daan o kalye (mula sa kastila calzada at calle). Ang bulaos ay isang uri ng daanan ng tao. Sa katawan ng tubig, ang daan ay maaaring tawaging kipot, bangbang (bambang), dagat-kipot, kanal, dagat-lagusan o paagusan.
Ang mga lansangan o kalsada, kung nasa lupa, ay karaniwang mga daan na may palitada o nilatagan ng mga bato, semento, at aspalto. Karaniwan din itong mayroong mga bangketa sa gilid. Layunin ng mga paglalatag na ganito ang pagpapahintulot ng paglalakbay na nakahiwalay ang mga sasakyan at mga tao.
Ang kalye ay isang piraso ng lupang pinatag na ginagamit ng mga tao upang makapagbiyahe nang mas maginhawa. Sa karaniwan, ang kalye ay nasa loob ng isang bayan. Karamihan sa mga kalye ay nagiging sentro ng katutubong kultura at isang lugar kung saan nagpapangkat-pangkat ang mga tao, katulad ng pagkakaroon ng masisiglang buhay na panggabi.
Ang iba pang mga halimbawa ng mga uri ng daan ay ang abenida, eskinita (makipot na daan), bulebar, daambakal (daanan ng tren) at iba pa.