Si Albert Einstein (14 Marso 1879–18 Abril 1955) ay isang Aleman-Swiss-Amerikanong pisikong teoretikal na kinikilala bilang isa sa pinakamahalagang siyentipiko sa ika-dalawampung siglo at isa sa pinakamahusay na pisikong nabuhay sa kasaysayan ng agham. Ang pinakamahalagang papel na kanyang ginampanan sa agham ay ang pagbuo ng espesyal na teoriya ng relatibidad at teoriyang pangkalahatang relatibidad. Sa karagdagan, marami siyang naiambag sa teoriyang quantum at mekanikang estadistikal. Siya ay naparangalan ng Gantimpalang Nobel sa kanyang paliwanag sa epektong photoelektrika noong 1905. Si Einstein ay nakilala sa buong mundo matapos na mapatunayan ang prediksiyon ng kanyang teoriyang pangkalahatang relatibidad na ang sinag (light rays) ng malalayong bituin ay malilihis ng grabidad ng araw. Ito ay napatunayan noong 7 Nobyembre 1919 sa ekspedisyon na ginawa ng mga inglaterong siyentipiko upang pagmasdan ang Eklipseng solar na naganap nang taong iyon sa Aprika. Dahil sa kanyang katalinuhan at orihinalidad, ang salitang "Einstein" ay naging sinonimo ng salitang "henyo".