Ang galbi[1] (Koreano: 갈비), kalbi o galbi-gui[1] (갈비구이) ay isang uri ng gui (inihaw na pagkain) sa lutuing Koreano. "Galbi" ang salitang Koreano para sa "tadyang", at karaniwang ginagamit ang tagiliran ng baka sa ulam na ito. Kapag tadyang ng baboy o iba pang karne ang ginamit, pinangangalanan nang naaayon ang ulam. Inihahain ang galbi nang sariwa, at niluluto sa ihawan sa lamesa kadalasan ng mga kakain mismo.[2] Maaaring ibabad ang karne sa isang matamis at malinamnam na timpla na nilalaman ng toyo, bawang, at asukal. Karaniwang itinatampok ang di-timplado at timpladong galbi sa mga sampgyupan.[3] May impluwensiya ito at iba pang ulam sa samgyupan sa yakiniku na makikita sa paggamit ng galbi (kilala roon bilang karubi).