Mariano Ponce

Mariano Ponce
Kapanganakan22 Marso 1863
Kamatayan23 Mayo 1918
Ibang pangalanNaning, Kalipulako, Tikbalang.
TrabahoManunulat, Politiko
Kilala saLa Solidaridad

Si Mariano Ponce (22 Marso 1863 – 23 Mayo 1918) ay isang Pilipinong manggagamot na naging pinuno ng Kilusang Propaganda na hinimok na mag-rebolusyon ang Pilipinas laban sa mga Kastila noong 1896.

Siya ay ipinanganak sa Baliwag, Bulacan noong 23 Marso 1863. Ang kanyang mga magulang ay sina Don Mariano Ponce at Maria delos Santos.

Siya ay nag-aral ng Elementarya sa Baliwag at nagtapos ng sekondarya sa isang pribadong paaralan. Sa Colegio de San Juan de Letran siya nagtapos ng Bachiller en Artes (Bachelor in Arts). Nag-aral siya ng medisina sa Unibersidad Sentral ng Madrid.

Nakilala siya bilang propagandista, manunulat, manggagamot at tanyag na repormista sa panahon ng propaganda. Pinamatnugutan niya ang pahayagang La Solidaridad at aktibong kasapi ng Asosacion Hispano-Filipino.

Noong panahon ng Propaganda, gumamit siya ng sagisag na Tikbalang, Naning at Kalipulako sa kanyang pagsusulat. Kilala siya bilang aktibong/mananaliksik ng mga propagandista.

Naglakbay siya sa iba't ibang lugar tulad ng Canton, Hong Kong at Handow. Sa Hong Kong niya nakilala si Heneral Emilio Aguinaldo at sa Indo-China at Shanghai naman niya nakilala ang nagtatag at ang unang Pangulo ng Republika ng Tsina na si Dr. Sun Yat Sen. Noong 1898 nang ipadala siya sa bansang Hapon upang makipag-ugnayan sa mga opisyales ng pamahalaan doon. Doon niya napangasawa si Akiyo Undangawa. Nagkaroon sila ng apat na anak.

Naglingkod siya bilang isang mambabatas sa Pambansang Asemblea, at kinatawan ng ikalawang distrito ng Bulacan.

Bilang manunulat, siya ay nakasulat ng mga akdang pampanitikan sa wikang Kastila, Tagalog at Ingles. Bilang tagapag-ambag sa Panitikang Pilipino, mula sa kanyang panulat ang Ang Alamat ng Bulacan, isang katipunan ng mga alamat; Mga Kuwentong Bayan sa Lalawigan ng Bulacan; Ang Pagpugot kay Longhinos, isang dulang itinanghal sa Liwasang Bayan ng Malolos; Ang Panitikan ng Kilusang Propaganda; Ang Makasaysayang Pag-aaral Tungkol sa Pilipinas, at marami pang iba.

Namatay siya sa sakit na tuberculosis sa Hong Kong noong 23 Mayo 1918.


Developed by StudentB