Sinaunang Gresya

Ang Parthenon na isang templong inalay kay Athena ay matatagpuan sa Acropolis sa Atenas at isa sa pinaka-kumakatawang mga simbolo ng kultura at sopistikasyon ng mga Sinaunang Griyego.

Ang Sinaunang Gresya (Griyego: Αρχαία Ελλάδα) ang kabihasnang Griyego na kabilang sa isang panahon ng kasaysayan ng Gresya na tumagal ng mga isang libong taon mula ika-8 siglo BCE hanggang ika-6 siglo BCE hanggang sa wakas ng antikwidad(ca. 600 CE). Pagkatapos ng panahong ito ang pasimula ng Maagang mga gitnang panahon at panahong Bisantino.[1] Kabilang sa Sinaunang Gresya ang panahon ng Klasikong Gresya na yumabong noong ika-5 hanggang ika-4 siglo BCE. Ang Klasikong Gresya ay nagsimula sa pagpapatalsik sa isang pananakop na Persa (Persian) ng mga pinunong Atenian. Dahil sa mga pananakop ni Dakilang Alejandro, ang kabihasnang Helenistiko ay yumabong mula Sentral Asya hanggang sa kanluraning dulo ng Dagat Mediteraneo.

Ang kulturang Griyego lalo na ang pilosopiya ay makapangyarihang nakaimpluwensiya sa Imperyong Romano na nagdala ng bersiyon nito sa maraming mga bahagi ng Europo at ito ang isa sa mga inspirasyon ng Muling Pagsilang sa Kanlurang Europa. Ito rin ang naging batayan ng pagusbong ng Neoklasisismo sa Europa at mga Amerika noong ika-18 at ika-19 na dantaon.

Ginagamit ang salitang Sinaunang Gresya patungkol sa mga tao, pamumuhay at kaganapan sa mga lugar kung saan Grego ang salita ng mga tao noong sinaunang panahon. Maliban sa peninsula ng Gresya, kabilang dito ang Tsipre, mga isla sa Dagat Egeo, ang baybayin ng Anatolia (kilala noon bilang Ionia), Sicily sa timog Italya (kilala noon bilang Magna Graecia), at ang mga kalat na tirahan ng mga Grego sa baybayin ng Kolkis, Illyria, Thrace, Ehipto, Cyrenaica, timog Gaul, silangan at hilagang-silangan ng Peninsulang Iberiko, Iberia at Taurica.

  1. Carol G. Thomas (1988). Paths from ancient Greece. BRILL. pp. 27–50. ISBN 978-90-04-08846-7. Nakuha noong 12 Hunyo 2011.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

Developed by StudentB