Ang teolohiya ay ang sistematikong pag-aaral ng kalikasan ng dibino, o paniniwalang panrelihiyon sa mas malawak na depinisyon. Tinuturo ito bilang isang disiplinang akademiko, karaniwan sa mga pamantasan at seminaryo.[1] Sinasakop ang sarilli nito ng kakaibang nilalaman ng pag-analisa ng sobrenatural, subalit tinatalakay din ang epistemolohiyang panrelihiyon, tinatanong at hinahanap ang sagot sa tanong ng paghahayag. Nauukol ang paghahayag sa pagtanggap sa Diyos, mga diyos, o deidad, bilang hindi lamang transendente o higit sa likas na mundo, kundi handa at kayang makipag-ugnayan sa likas na mundo at magpakita sila sa sangkatauhan.
Gumagamit ang mga teologo ng mga anyo ng pagsusuri at argumento (pangkaranasan, etnograpiko, pangkasaysayan, at iba pa) upang makatulong sa pagkaunawa, paliwanag, pagsubok, pagpuna, pagdepensa o pagsulong na anumang maraming paksang panrelihiyon. Tulad sa pilosopiya ng etika at hurisprudensya, kadalasang pinapalagay ang mga argumento ng pagkakaraoon ng nakaraang naresolbang mga tanong, at ginagawa ang argumento sa pamamagitan ng pagkakatulad mula sa mga ito upang makakuha ng bagong hinuha sa bagong mga situwasyon.
Maaring makatulong ang pag-aaral ng teolohiya sa teologo na mas malalim pa nilang malaman ang sarili nilang tradisyong panrelihiyon,[2] isa pang tradisyong panrelihiyon,[3] o maaaring itong magbigay-daan sa kanila na tuklasin ang kalikasan ng dibinidad nang walang pagtukoy sa anumang partikular na tradisyon. Maaring gamitin ang teolohiya sa pagpapalaganap,[4] reporma,[5] o bigyang-katwiran ang tradisyong panrelihiyon; o maari itong gamitin upang ihambing,[6] hamunin (halimbawa, kritisismong pambibliya), o salungatin (halimbawa, irrelihiyon) ang isang tradisyong panrelihiyon o pananaw sa mundo. Maari din makatulong ang teolohiya sa isang teologo matugunan ang kasalukuyang situwasyon o pangangailangan sa pamamagitan ng tradisyong panrelihiyon,[7] o upang siyasatin ang posibleng mga paraan ng pagbibigay kahulugan sa mundo.[8]
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)