Unang Digmaang Pandaigdig

Unang Digmaang Pandaigdig
  • Erster Weltkrieg (Aleman)
  • Első világháború (Hungaro)
  • Birinci Dünya Savaşı (Turko)
  • Първа световна война (Bulgaro)
  • Pŭrva svetovna voĭna
  • Première Guerre mondiale (Pranses)
  • First World War (Ingles)
  • Первая мировая война (Ruso)
  • Pervaya mirovaya voyna
  • Prima guerra mondiale (Italyano)
  • 第一次世界大戦 (Hapones)
  • Daiichijisekaitaisen

Pakanan mula itaas: isang lugar sa Larangang Kanluran; mga tangkeng Mark V ng Imperyong Briton; barkong pandigmang HMS Irresistible na lumulubog matapos makabangga ng mina sa Labanan ng Dardanelles; mga tripulante ng isang masinggang Vickers suot ang kani-kanilang maskarang pang-gas, at mga eroplanong Albatros D.III ng Imperyong Aleman
Petsa28 Hulyo 1914 – 11 Nobyembre 1918
Lookasyon
Resulta

Pagwawagi ng Alyadong Puwersa

Mga nakipagdigma

Alyadong Puwersa
Pransiya Pransiya
United Kingdom Imperyong Briton
Russian Empire Imperyong Ruso (1914–17)
Estados Unidos Estados Unidos
(1917–18)
Italya Italya (1915–18)
Imperyo ng Hapon Imperyo ng Hapon
Belhika Belhika
Serbiya Serbiya
Kaharian ng Montenegro Montenegro
Kaharian ng Rumanya Rumanya (1916–18)
Portugal Portugal (1916–18)

Kaharian ng Gresya Gresya (1917–18)

Puwersang Sentral Alemanya Imperyong Aleman
Austria Austriya-Unggarya
Imperyong Otomano Imperyong Otomano

Bulgaria Bulgarya (1915–1918)
Mga kumander at pinuno

Alyadong Puwersa Pransiya Reymundo Poincare
United Kingdom Jorge V
Russian Empire Nicolas II
Rusya Alejandro Kerensky
Estados Unidos Woodrow Wilson
Italya Victor Emmanuel III
Imperyo ng Hapon Taishō
Belhika Alberto I
Serbiya Pedro I
Kaharian ng Montenegro Nicolas I
Kaharian ng Rumanya Fernando I
Portugal Bernardino Machado

Kaharian ng Gresya Eleftherios Venizelos

Puwersang Sentral Alemanya Guillermo II
Austria Francis Jose I (1914–16)
Austria Carlos I (1916–18)
Imperyong Otomano Mehmed V

Bulgaria Fernando I
Mga nasawi at pinsala
sa panig ng mga sundalo...
Napatay:
Mahigit 5 milyon
Nasugatan:
Mahigit 12 milyon
Nawawala:
Mahigit 4 na milyon
Kabuuan:
Mahigit 22 milyon
...mga karagdagang detalye.
sa panig ng mga sundalo...
Napatay:
Mahigit 4 na milyon
Nasugatan:
Mahigit 8 milyon
Nawawala:
Mahigit 3 milyon
Kabuuan:
Mahigit sa 16 milyon
...mga karagdagang detalye.

Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay hidwaang internasyonal na naganap mula 1914 hanggang 1918 na kinasangkutan ng mga makapangyarihang bansa sa mundo na noon ay napapangkat sa dalawang magkalabang alyansa: ang Alyadong Puwersa (batay sa Tatluhang Kasunduan ng Imperyong Briton, Imperyong Ruso at Pransiya) at Puwersang Sentral (mula naman sa Tatluhang Alyansa ng Imperyong Aleman, Austriya-Unggarya at Italya). Ang digmaan ang isa sa mga pinakamapinsalang digmaan sa kasaysayan.[1][2]

Ang pagpaslang kay Archduke Franz Ferdinand ng isang makabayang Serbiyo na nagngangalang Gavrilo Princip noong 28 Hunyo 1914 ang itinuturing na siyang pinakasanhi ng pagsisimula ng digmaan. Nagsimula ito noong ika-28 ng Hulyo 1914 nang magpahayag ng pakikidigma ang Austriya-Unggarya laban sa Serbiya na siya namang nagbunsod sa dalawang magkalabang alyansang nabanggit, kasáma na maging ang kani-kanilang kolonya, na makibáka sa isa't isa. Makalipas ang ilan pang linggo, ang digmaan ay tuluyan nang lumaganap sa buong mundo.[3][4][5]

Matapos makapagpahayag ng pakikidigma ay kagyat na sinalakay ng Austriya-Unggarya ang Serbiya. Sinundan ito ng pananakop ng Imperyong Aleman sa Belhika, Luksemburgo at hilagang Pransiya, at ng bigong pananalakay ng Imperyong Ruso sa silangang Alemanya. Buhat naman nang mapipilan ng sandatahang Briton-Pranses ang pag-abante ng sandatahang Aleman patungong Paris ay nauwi na sa pakikidigmang pambambang ang mga sagupaan doon na siya naman nagdulot upang halos hindi na umusad ang magkabilang panig. Nang mga sumunod na taon ay nakisangkot na rin sa digmaan ang Imperyong Otomano, Italya, Bulgarya, Rumanya, Gresya at iba pa samantalang bumagsak ang monarkiya sa Rusya matapos ang Himagsikang Ruso noong 1917 na nagbigay daan upang kumawala ang mga Ruso sa digmaan at maglunsad ng sunod-sunod na opensiba ang mga Aleman sa kanlurang Europa hanggang sa pumasok ang Estados Unidos sa digmaan. Sumuko ang Imperyong Aleman at mga kaalyado pagsapit nang 11 Nobyembre 1918 matapos ang isang matagumpay na kontra-opensiba ng Alyadong Puwersa.[6][7]

Sa pagtatapos ng digmaan ay maraming bansa ang itinatag sa Europa mula sa labi ng mga Imperyong Aleman, Austro-Unggaryo, Otomano at Ruso. Itinatag noon ang Liga ng mga Nasyon upang pigilan ang anumang tunggaliang maaaring maganap sa mundo. Ang mga kasunduang itinadhana ng Kasunduan ng Versailles na nagdulot ng matinding paghihikahos sa mga mamamayang Aleman at ang pag-usbong ng pasismo sa Europa ang ilan sa mga dahilan upang muling sumiklab ang isa pang pandaigdigang digmaan pagsapit nang 1939.[8][9]

Tinatawag noong "Dakilang Digmaan" (Ingles: Great War) at "Digmaang Pandaigdig" (Ingles: World War) ang digmaan bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang digmaan ay kilalá rin sa mga katawagang "Ang Pandaigdigang Digmaan" (The World War), "Ang Digmaan upang Wakasan ang lahat ng mga Digmaan" (The War to End All Wars), "Ang Digmaang Kaiser" (The Kaiser War), "Ang Digmaan ng mga Nasyon" (The War of the Nations) at "Ang Digmaan sa Europa" (The War in Europe). Tinatawag naman itong La Guerre du Droit ("Ang Digmaan para sa Katarungan") o La Guerre Pour la Civilisation/de Oorlog tot de Beschaving ("Ang Digmaan para Mapanatili ang Sibilisasyon") sa mga medalya't bantayog sa Belhika't Pransiya.

Ang katawagang "Unang Pandaigdigang Digmaan" ay unang ginamit nina Ernst Haeckel, isang pilosopong Aleman, noong Setyembre, 1914 at ni Carlos A. Repington, isang mamamahayag, noong 10 Setyembre 1918 sa kanilang isinulat na mga talaarawan.[10]

Sa ngayon, ang pangalan ng digmaan na ginagamit sa Nagkakaisang Kaharian at Kanada ay "Unang Pandaigdigang Digmaan" (First World War) samantalang "Unang Digmaang Pandaigdig" (World War I) naman sa Estados Unidos.

  1. Calairo 2006, p. 290
  2. Willmott 2003, pp. 10–11, 307
  3. Calairo 2006, p. 291
  4. Taylor 1998, pp. 80–93
  5. Evans 2004, p. 12
  6. Calairo 2006, pp. 291–293
  7. Guillermo et al. 2004, pp. 300–303
  8. Calairo 2006, p. 293
  9. Keegan 1998, pp. 7, 11
  10. Shapiro & Epstein 2006, p. 329

Developed by StudentB